Shootout: Mag-ama bulagta
LINGAYEN, Pangasinan ,Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa mag-ama habang tatlong iba pa ang nasugatan matapos makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa Barangay Lebueg sa bayan ng Laoac, Pangasinan noong Linggo ng hapon.
Sa ulat na pinadala ni P/Senior Supt. Rosueto Ricaforte, Pangasinan PNP director, lumilitaw na rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni P/Chief Insp. Lodovico Ellazar, kasama ang ilang opisyal ng barangay kaugnay sa naganap na barilan sa nasabing barangay.
Lumilitaw na nadatnan ng mga awtoridad ang limang armadong kalalakihan kabilang na ang mag-amang Rodrigo Eleazar at anak na si Gener Eleazar.
Sa halip na huminahon ang mga suspek ay sinasabing pinagmumura pa ang mga pulis at barangay official na umaawat lamang.
Kasunod nito, ay biglang pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis na rumesponde kung saan gumanti rin ng putok ng baril.
Duguang bumulagta ang mag-ama samantalang sugatan naman sina Barangay Captain Ellazar, kagawad Rogelio Lopez at si PO3 Erwin Lopez.
Tinutugis naman ng pulisya ang tatlong lalaki na kasamahan ng mag-amang napatay.
- Latest
- Trending