Safehouse ng lider ng Sayyaf ni-raid

MANILA, Philippines - Sari-saring mga armas at mga bala ang nasamsam makaraang salakayin ng elite forces ng Philippine Army ang kuta ng isang kumander ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) nitong Sabado sa Ungkaya Pukan, Basilan.

Arestado sa operasyon ang isang tauhan ni Sayyaf Commander Nurhassan Jamiri na hindi muna tinukoy ang pangalan habang isinasailalim sa masusing interogasyon.

Sinabi ni Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz, dakong alas-6:35 ng umaga ng lusubin ng mga tauhan ni Col. Alexander Macario, Commander ng Special Operations Task Force Basilan ang kuta ni Jamiri sa Brgy. Camamburingan, Ungkaya Pukan.

Nakuha sa lugar ang walong mga matataas na kalibre ng mga armas na kinabibilangan ng isang M653 armalite, dalawang M16 rifle, isang cal 30 M1 carbine, isang 7.62 mm, isang US M1 garand, dalawang 12 gauge shotgun at sari-saring mga bala.

Sa kasalukuyan, ayon naman kay Macario ay patuloy ang kanilang pagtugis sa grupo ni Jamiri na bihag pa rin ang restaurant owner na si Larry de los Santos na kinidnap noon pang Disyembre 16, 2010.

Show comments