Israeli nilason sa hotel
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nilason ang isang Israeli na natagpuang umaalingasaw na ang bangkay sa ilalim ng kama sa isang hotel sa Cebu City, Cebu noong Martes ng gabi.
Sa report ng Cebu City PNP, bandang alas-7:15 ng gabi kamakalawa nang madiskubre ng roomboy at security guard na sina Rudolfo Pizon, 48, at Neniel Abajo, 21 ang naagnas na bangkay ni Max Efergan, 75, na ibinalot sa kumot at inilagay sa ilalim ng kama sa Cebu Hallmark Hotel sa Osmeña Blvd.
Una nang umalingasaw ang masangsang na amoy mula sa silid ni Efergan matapos magreklamo ang katabing kuwarto sa ikaapat na palapag.
Nabatid na ang biktima na sinasabing regular guest ay nag-check-in sa nasabing hotel noong Enero 2 at muling babalik sa Israel sa Hunyo 30, 2011.
Base sa salaysay ng ilang hotel staff, huling namataan pumasok sa kanyang kuwarto ang biktima noong Lunes ng madaling-araw matapos lumabas kasama ang kanyang kaibigang Israeli rin na si Katz Nathan, 63.
May palatandaang ninakawan ang biktima dahil nawawala ang kanyang laptop at Iphone subalit ang traveling bag na naglalaman ng mga damit, cell phone at pitaka ay hindi tinangay, base sa sinabi ng kasamang si Nathan.
Napag-alamang kalimitang dumadalaw ang mga Pinoy sa kuwarto ng biktima subalit hindi naman pinapansin ng ilang hotel staff dahil sa pamilyar na ang mukha.
Ayon kay PO2 Ruth Violango, isasailalim sa imbestigasyon ang lahat ng staff ng nasabing hotel sa posibleng inside job ang naganap na krimen.
Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Consul ng Israel para beripikahin ang tunay na pagkakakilanlan ng biktima.
- Latest
- Trending