LUCENA CITY, Quezon, Philippines — Napatay ang pangunahing suspek sa serye ng nakawan sa Lucena City matapos na makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Isabang,Tayabas City, Quezon kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ni P/Supt. Ramon Balauag ang napaslang na si Jason “Burondoy” Castillo ng Barangay Market View. Sa imbestigasyon nina PO2 Randy Buenaventura at PO2 Jefferson Tamaray, nagtungo sa himpilan ng pulisya si Miguel Eclavea upang ireklamo ang suspek makaraang hindi nito isauli ang hiniram na traysikel na pag-aari ni William Rennin. Nang beripikahin ang katauhan ni Castillo ay natuklasang may nakabinbing kaso ng pagnanakaw at sangkot din sa serye ng nakawan. Makaraang makumpirma ang hideout ng suspek ay kanilang tinungo ito at pinasuko subalit nagpaputok ng baril sa mga awtoridad hanggang sa masukol sa tabi ng ilog at mapatay.