MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army ang isang hacienda na pag-aari ng mayamang negosyante sa Barangay Alicante sa bayan ng EB Magalona, Negros Occidental kamakalawa. Sa ulat ng tanggapan ni Army’s 3rd Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Emmanuel Bautista, lulan ng truck ang mga rebelde nang salakayin ang Hacienda Teresa. Kasunod nito, binuhusan ng gasolina at sinilaban ang tractora kung saan tinangay ang M16 Armalite rifle at bandolier ng security guard na si Mario Lachica. Bago tumakas, nagpaputok pa ang mga rebelde kung saan nasugatan ang timekeeper na si Kristopher Gerza na naisugod naman sa Silay Provincial Hospital. Pinaniniwalaang pagtanggi ng may-ari ng hacienda na magbigay ng buwis sa mga rebelde ang isa sa motibo ng panununog.