27 bata nalason sa tuba-tuba

MANILA, Philippines - Dalawampu’t pitong bata ang isinugod sa ospital makaraang malason sa kinaing bunga ng tuba-tuba sa Barangay Pulongbulo, Angeles City, Pampanga noong Miyerkules.

Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Rodolfo Recomono, director ng Angeles City PNP, nangunguha ng aratiles ang batang si Dexter Garcia nang tawagin at utusan ni Edwin Balbuena, 50, na mamitas ng tuyong bunga ng tuba-tuba sa kanyang bakuran.

Sinabi ni Balbuena kay Garcia na maaring kainin ang bunga ng tuba-tuba.

Palibhasa’y inosente at hindi batid ng mga bata na nakalalason ang bunga ng tuba-tuba ay dinala ni Garcia sa kaniyang mga kalaro  at mga kamag-aral ang napitas na inakalang uri ng prutas saka kinain.

Gayon pa man, ilang oras matapos na kumain ng tuba-tuba ay isinugod sa Ona Hospital ang mga bata matapos dumaing ng matinding pagkahilo, pananakit ng tiyan, panghihina at pagsusuka.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya si Balbuena na ayon sa opisyal ay maaring masampahan ng kaso kapag napatunayang may pananagutan sa pagkalason ng mga bata.

Show comments