MANILA, Philippines - Naaresto ng mga awtoridad ang isa pang suspect sa Maguindanao massacre sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao noong Lunes.
Ang naarestong suspek ay nakilalang si Nasser Talib na kabilang sa 195 suspect sa Maguindanao massacre.
Ayon kay Army chief Lt. Gen. Arthur Ortiz, nadakip ang suspek ng 104th Brigade ng Army bandang alas-9:30 ng umaga noong Lunes sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak.
Si Talib ang ika-92 suspek na naaresto ng mga awtoridad mula sa kabuuang 195 na akusado sa brutal na pagpaslang sa 57 katao kabilang ang maybahay ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu at may 32 mediamen noong November 27, 2009.
Sa kasalukuyan, nakakulong ang mga itinuturong utak sa massacre sa pangunguna nina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at anak nitong si dating Datu Unsay Mayor Andal Jr., dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan atbp.??
Ikinatuwa naman ng mga kaanak ng biktima ng Maguindanao massacre ang pagkakaaresto kay Talib gayundin sa desisyon ng Korte Suprema na payagan ang live media coverage ng trial.