LEGAZPI CITY, Albay ,Philippines – Isa na namang radio broadcaster ang naitala sa listahan ng mga mamamahayag na napaslang simula noong 1992 makaraang pagbabarilin ng tatlong 'di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo sa hangganan ng Iriga City at bayan ng Nabua, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Sakay ng motorsiklo si Romeo Olea, 49, patungo sa radio station ng dwEB-FM nang dikitan at ratratin ng motorcycle-riding gunmen sa tapat ng Holy Child Learning Center sa Purok 4, Barangay San Jose.
Ang nabanggit na radio station ay sinasabing pag-aari nina Camarines Sur Gov. Lay Villafuerte at 5th District Rep. Sal Furtono na dating station manager ng radio.
“Basta nakita ang motorsiklo ng biktima natumba, akala noong una, self-accident. May nakarinig ng tatlong putok. Nalaman na binaril pala noong nasa ospital na,” pahayag ni P/Supt. Ronald Briones, Iriga City PNP director.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng cal. 9mm sa likurang bahagi ang biktima kung saan idineklarang patay sa Rinconada Medical Center.
Kaugnay nito, bumuo na rin ng Special Investigating Task Group Olea ang pulisya upang maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon.
Nabatid na si Olea ay ika-4 na mamamahayag na napaslang ngayong 2011 kung saan ayon sa ulat ng US-based Committee to Protect Journalist na ang Pilipinas ay ikatlo sa pinakamapanganib para sa mga mamamahayag tulad ng Iraq at Somalia.
Base na rin sa tala ng CPJ noong 2010, aabot na sa 69 mamamahayag ang napaslang simula noong 1997.