MANILA, Philippines - Nagkaroon na ng linaw ang madugong massacre na ikinasawi ng tatlong miyembro ng pamilya habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon sa Lapu-Lapu City noong Huwebes matapos na matukoy na ang Kuratong Baleleng robbery/holdup gang ang nasa likod ng krimen.Sinabi ni Lapu-Lapu City Police Director P/Sr. Supt. Anthony Obenza, isa sa mga suspek ay positibong itinuro ng 6-anyos na isa sa dalawang nakaligtas na anak ng nasawing maglive-in partner na siyang bumaril sa mga biktima base sa mga larawang kanilang ipinakita. Kinilala ang suspek na si Ricky Cadavero, kilalang miyembro ng Kuratong Baleleng robbery gang na sinampahan na ng kasong multiple murder at frustrated murder bunga ng nangyaring massacre.
Nabatid na ang nasawing padre de pamilya na si Fernando Canillo Sr. alyas Bruno Villanueva/Tambok ay dating kasamahan nina Cadavero na tumiwalag sa grupo sa pagnanais magbagum-buhay pero nasundan pa rin sa Lapu-Lapu City. Sa teorya ng mga awtoridad, pera ang ugat ng massacre matapos na takasan ni Canillo Sr. ang grupo dala ang malaking bahagi ng pera na nakulimbat ng Kuratong Baleleng gang sa kanilang mga operasyon sa Metro Manila at Mindanao. Nabatid na si Canillo Sr. ang tagapagtago ng perang nakukulimbat ng grupo sa kanilang illegal na aktibidades.
Magugunita na noong Huwebes ay minasaker matapos na pagbabarilin si Canillo Sr., 58; live-in partner nitong si Emma Berangues, 36 at 3-anyos na bunso nilang anak na si Fernando Canillo II, habang kritikal naman sa pagamutan ang 17-anyos na kapatid ng ginang na si Rick Rick sa naganap na karumal-dumal na krimen sa Brgy. Babag II ng lungsod na ito.