Cotabato City isinailalim na rin sa state of calamity
MANILA, Philippines - Isinailalim na rin sa state of calamity ang Cotabato City matapos na maapektuhan ng mga pagbaha ang 23 barangay dulot ng mga pag-ulan sa lungsod na dala ng nagdaang Low Pressure Area (LPA) at bagyong Dodong.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Maguindanao at siyam na barangay sa President Roxas, North Cotabato matapos na maraming mga lugar dito ang lumubog sa tubig baha.
Nabatid na 16 sa kabuuang 36 bayan sa Maguindanao ay lumubog sa tubig baha.
Batay sa ulat ng Regional at City Disaster Risk Reduction and Management Council, ang mga pagbaha sa Cotabato City ay dulot ng mga water lilies na nakahaharang sa pag-agos ng tubig mula sa Delta bridge ng lungsod.
Samantalang bunga ng mahigit isang linggong mga pag-ulan ay tinatayang nasa 500,000 katao mula sa Maguindanao, North Cotabato at Sultan Kudarat ang naapektuhan ng mga pagbaha habang nasa 20,000 naman ang nagsilikas sa Cotabato City mula sa mga barangay na lumubog sa tubig baha.
Nabatid na umapaw ang Rio Grande de Mindanao River na dumaloy at nakaapekto sa mga residente ng 23 barangay sa naturang siyudad. Sa tala, ang Cotabato City ang nagsisilbing ‘catch basin' ng mga pagbaha mula sa mga ilog ng Bukidnon, North Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao.
- Latest
- Trending