5 patay, 3 sugatan sa sunog
MANILA, Philippines - Lima katao ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan makaraang tupukin ng apoy ang isang residential-commercial area sa Brgy. Poblacion, Valencia City, Bukidnon, kahapon ng madaling-araw.
Halos hindi na makilala ang mga bangkay sa tinamong grabeng pagkatusta ng katawan ng mga biktimang sina Jessica Gomez, 19; Maria Layne Siarot, 20, cashier sa isang mall, kapatid nitong si Leprim Siarot, 15; Alfred Villaver, 17 at Kate Roca, 18, isang saleslady.
Ang mga nasawi ay na-trap ng apoy sa tinitirhan ng mga itong isang boarding house na pagmamay-ari ng isang Buboy Flores na matatagpuan sa Purok 3, Brgy. Poblacion ng lungsod.
Isinugod naman sa Sanitarium Hospital para malapatan ng lunas ang mga nasugatan na sina John Carlo Flores, Maximo Flores at Thelma Flores.
Sa ulat ng Bukidnon Police, pasado alas-12 ng madaling-araw nang magsimulang tupukin ng apoy ang dalawang compound, opisina at nadamay rin sa insidente ang siyam na insurance company sa siyudad na ito.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang mahimbing na natutulog ang mga biktima ng maganap ang sunog sa exit gate ng Valencia City hall na kinaroroonan ng mga kabahayang natupok.
Pinaniniwalaang na-suffocate ang mga biktima sa makapal na usok na bumalot sa naturang lugar kaya hindi kaagad nakalabas ng kanilang bahay.
Sa inisyal na pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa mahigit P1 milyon ang napinsalang mga ari-arian sa insidente at nasa 12 kabahayan rin ang natupok ng apoy. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang alamin ang pinagmulan ng sunog.
- Latest
- Trending