3 Akyat bahay gang timbog
SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan, Philippines —Arestado ang tatlong pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng Akyat bahay gang makaraang pasukin ang tahanan ng isang pamilya na natangayan ng P1.5 M pera at mga kagamitan sa lungsod na ito kahapon ng tanghali. Kinilala ni Provincial Director P/SSupt.Fernando Mendez Jr. ang mga biktima na sina Joel Torres 26, negosyante, ina nitong si Arsenia Torres 68, biyuda at kasambahay na si Jenia Bulasa 19, tubong Leyte at pawang mga residente ng Brgy. Minuyan Proper sa siyudad na ito. Arestado naman ang mga mga suspek na sina Lino Yang 32, barbero, lider ng grupo, Alfredo Malate 39, electrician at Jeffrey Emboltorio 39, pawang mga residente ng Brgy. Bagong Silang, Caloocan City. Base sa ulat ni P/Supt. Rodolfo Hernandez dakong alas-11:15 ng tanghali habang abala sa pagluluto ng pananghalian ang biktimang si Arsenia sa kanilang kusina ng biglang pumasok sa likurang pintuan ng bahay ang tatlong suspek saka nagdeklara ng holdap sa mga ito gamit ang mga armas na patalim at agad na tinalian ng packaging tapes ang mga kamay, paa, mata at bunganga ng mga biktima. Hindi naman nasiraan ng loob ang matandang biktima at agad na nakalas ang pagkakatali sa kaniyang kamay at nang maramdaman na papaalis na ang mga suspek ay saka sumigaw ito ng tulong sa kanilang kapitbahay na hinabol ang mga suspek at nabawi ang kinulimbat sa pamilya.
- Latest
- Trending