MANILA, Philippines - Dahilan lamang sa matagal ng alitan sa trapiko, isang acting supervisor ng isang kumpanya ang nasawi habang apat pa ang nasugatan matapos na pagbabarilin nang rumesbak ang nakaalitan nito na napatay naman sa shootout sa nangyaring insidente sa Crossing Putok, Brgy. Digal, Buluan, Maguindanao kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Zukarno Podin, Acting Supervisor ng La Frutera Inc, agad na binawian ng buhay matapos na masapul ng tama ng bala sa katawan.
Isinugod naman sa Tamondong Hospital sa Tacurong City ang mga sugatang sina Zabido Bagalan, isang alyas Zabide Tomao at Abdulkadir Papua; pawang mga empleyado ng nasabing kumpanya at ang sibilyang tinamaan ng ligaw na bala na si Marco Katog.
Napatay rin ng mga nagrespondeng elemento ng CAFGU at mga guwardiya ng La Frutera ang suspek na si Polis Mulid matapos na sa halip na sumuko ay namaril pa ito na nauwi sa shootout.
Batay sa ulat ng Central Mindanao Police, naganap ang pamamaril ng suspek sa mga biktima sa bisinidad ng nasabing lugar dakong alas-8 ng umaga.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nag-ugat ang pagresbak ni Mulid laban kay Podin matapos ang mga itong magkaroon ng alitan sa trapiko noong Mayo ng taong ito.
Narekober naman ng mga awtoridad sa crime scene ang apat na basyo ng cal .45 pistol, 16 bala ng M 16 rifle at 132 pang bala ng M60.