LUCENA CITY, Quezon, Philippines - Aabot sa P.2 milyong halaga ng ari-arian ang natangay matapos pagnakawan ang pribadong paaralan sa Barangay Silangang Mayao sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng umaga. Ayon sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Ramon Balaoag, chief of police, dakong alas-7 ng umaga habang papasok sa Bristol International School ang mga kawani ay natuklasan nilang wasak ang rehas na bakal ng main office patungo sa computer room. Sa pagsisiyasat nina PO3 Domingo Rivares at PO3 Aldin Ranola, natangay ng mga kawatan ang 7 yunit ng CPU, personal computer, LCD projector, grinder at electric drill. Inatasan na ni Balaoag ang kanyang mga tauhan na patuloy na imbestigahan ang naganap na nakawan.