MANILA, Philippines - Naging mitsa ng buhay ng dalawang minero ang pagpapasabog sa minahan makaraang mabagsakan ng malaking tipak na bato habang nagmimina sa bayan ng Tuba, Benguet noong Lunes ng madaling-araw.
Kinilala ang dalawa na sina Mardy Andiso, 31, ng Bagulin, La Union at Jonaeso Ringor, 29, ng Upper Camp ng Philex Mines, habang kritikal naman si Conrado Tullao, 51, ng Pozorrubio, Pangasinan at supervisor ng Philex Mines.
Sa report ni P/Chief Supt. Villamor Bumanglag na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa Philex Mines, Upper Camp.
Sinasabing inihahanda ng mga biktima ang panibagong pagpapasabog ng eksplosibo para matibag ang mga bato sa minahan.
Gayon paman, sa lakas ng nilikhang pagsabog ay hindi nagawang iwasan ang malaking tipak ng bato na gumulong mula sa itaas ng minahan na dumagan sa mga biktima.
Isinugod sa Sto. Niño Hospital malapit sa minahan ang tatlo kung saan namatay si Andiso habang sa St. Louis Hospital namatay si Ringor.