Engineer kinidnap ng Sayyaf

Manila, Philippines - Dinukot ng apat na armadong miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo ang isang engineer na isa ring private contractor sa Brgy. Bulan­ting, Lamitan City, Basilan nitong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Engineer Virgilio Fernandez ng MACE private road contractor na nakabase sa mga bayan ng Tuburan at Akbar sa lalawigang ito.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni Directorate for Integrated Police Operations-Western Mindanao Chief P/Director Felicisimo Khu, dakong alas-3:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa highway ng Sitio Libi, Brgy. Bulanting ng nasa­bing lungsod.

Ayon kay Khu, lulan ng kulay puting mini dumptruck (LGV-410) na minamaneho ni Basiur Dasta si Fer­nandez nang harangin ng mga kidnapper na sakay ng dalawang Honda XRM na motorsiklo na kulay asul at itim sa nasabing lugar.

Binaril ng isa sa mga suspek ang kaliwang gu­­long sa unahan ng dump truck at nang madiskaril ay kinaladkad si Fernandez habang tinututukan ng baril at puwersahang isinakay patungo sa direksyon ng Sitio Panguew, Caddayan, Akbar, Basilan.

Natukoy naman na isang Musana at Muhmin Jamiri ng bayan ng Akbar ang namuno sa pagkidnap sa biktima.

Sinabi ni Lt. Col. Ran­dolph Cabangbang, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command na si Musana at Muhmin ay pawang mga kamag-anak ni Abu Sayyaf Commander Nurhasan Jamiri na wan­ted sa serye ng kidnap for ransom sa Basilan at ka­ratig lugar.

Show comments