Obrero todas sa mag-utol

QUEZON, Philippines  — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang obrero matapos pagtulungang saksakin at paluin ng magkapatid dahil sa paghahakot ng buhangin kamakalawa ng umaga sa Barangay Ilayang Iyam sa Lucena City, Quezon.

Basag ang bungo ni Larry Salinas ng Jael Subdivision habang tinutugis naman ng pulisya ang mag-utol na suspek na sina Antonio at Lotino Camacho.

Sa ulat na tinanggap ng hepe ng pulisya na si P/Supt. Ramon Balauag, kinompronta ng magkapatid ang biktima kaugnay sa idineliver nitong buhangin sa isa nilang kapitbahay na nagpapagawa ng bahay.

Iginigiit ng magkapatid na sila ang nakakuha ng kontrata sa pagde-deliver ng buhangin subalit pinanindigan ng biktima na siya ang may karapatan dahil sa hawak na kontrata.

Dito na sinaksak ni Antonio ang biktima kung saan sinabayan namang hatawin ni Lotino ang ulo.

Show comments