Manila, Philippines - Tinatayang umaabot sa P1.4 milyong halaga ng farm tractor ang sinabotahe makaraang sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army na sumalakay sa Hacienda Riverside, Barangay San Isidro sa bayan ng EB Magalona, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Base sa ulat, sinabi ni Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz, sinalakay ng mga rebelde ang hacienda kung saan binuhusan ng gasolina saka sinilaban ang traktora na may numerong 6610 at TW 20 na pag-aari nina Jovie Gallo at Erick Gallaga.
Magkakahiwalay na tumakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng Hacienda Tizon, Brgy 11 at Hacienda Sagrado sa Barangay 10 sa Victorias City.
Pinaniniwalaang may kaugnayan sa revolutionary tax na hindi naibigay ng dalawang negosyante kaya naganap ang pananabotahe.