MANILA, Philippines - Sementeryo ang binagsakan ng tatlo-katao habang pitong iba pa ang nasugatan makaraang salpukin ng funeral van na may kargang patay ang traysikel sa kahabaan ng highway sa Barangay Montilla, Sipalay City, Negros Occidental kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-inang Janet Fiel, 25; anak nitong babae na si Samantha, 4; at ang gurong si Jovy Bogtae Espelita, 33.
Samantala, sugatan naman sina Susan Loquinario, Precil Parajito, Cedric Palma, Carlos Glabo, Lorenzo Baladhay at ang magpinsang Kim Barcelona at Kim Jayopeline na pawang isinugod na sa ospital.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-5 ng hapon habang bumabagtas ang traysikel ng mga biktima patungo sa Brgy. San Jose nang masalpok ng funeral van mula sa Bacolod City pagsapit sa Crossing Bado sa Barangay Montilla.