Mag-asawa dinedo sa pagtatanggol sa amo

MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang mag-asawang caretaker matapos pagbabarilin ng isang lalaki na naniningil ng utang ng kanilang amo sa Kabankalan City, Negros Occidental kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Supt. Antonieto Caniete ang napaslang na mag-asawa na sina Ritchel Juanona, 22; at Florentino Juanona na kapwa nakatira sa Sitio Ibos sa Barangay Tapi.

Naganap ang krimen pasado alas-4 ng hapon matapos na magtungo sa lugar ang suspek na si Franklin Ibañez na hinahanap ang amo ng mag-asawa na si Melchor He­dero upang singilin sa utang nitong P6,000.

Agad ikinasa ng suspek ang baril habang nagpupumilit na pumasok sa loob ng tahanan ni Hedero kung saan pinigilan ito ng mag-asawang katiwala ng negosyante na pumasok sa loob ng bahay.

Bunga nito ay nagalit ang suspek at binaril sa batok ang babae habang ang mister ay sa ulo.

Mabilis na tumakas ang suspek subalit sa follow-up operation ng pulisya ay nasakote rin sa loob ng kabinet sa kanilang tahanan sa nasabing barangay.

Show comments