2 utas sa pamamaril sa sayawan
MANILA, Philippines - Nabahiran ng dugo ang masayang sayawan matapos maghasik ng lagim ang mga armadong kalalakihan na ikinasawi ng dalawa-katao habang 3 iba pa ang nasugatan sa Barangay Santa Rosa sa bayan ng Tibiao, Antique kamakalawa ng gabi. Kinilala ng mga napaslang na sina Simeon Rigudo, 21, ng Brgy. Importante; at Jerry Cumla, 51, kapwa nakatira sa nasabing barangay. Samantala, malubha namang nasugatan sina Jason Arsilla, 16; Kimyor Mabacquiao, 20; at Roe Mabacquiao, 38; na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa ulat ng Antique PNP na nakarating sa Camp Crame, nagkakasayahan ang mga bisita sa sayawang ginaganap sa plaza ng nasabing barangay nang ratratin ng armadong grupo. Ayon pa sa mga awtoridad, posibleng inggitan o personal na away ang isa sa motibo ng pamamaril.
- Latest
- Trending