MANILA, Philippines - Kalaboso ang dalawang miyembro ng notoryus na West African Drug Syndicate (WADS) sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa bayan ng Cainta, Rizal kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang mga suspek na sina Obinna Oliver Okeke, alyas Sam Osei, at Obi Ezema King na kapwa taga-Nigerian na sinasabing sangkot sa pagre-recruit ng Pinoy para maging drug courier.
Nakumpiska sa mga suspek ang 1-kilong shabu na nakalagay sa apat na plastic sachet.
Base sa tala, naunang naaresto ang isang Nigerian na si Samuel Egbo na sangkot din sa pagre-recruit kay Elizabeth Batain na hinatulang mabitay sa China dahil sa kasong drug trafficking.
Maging ang suspek na Koreano na si Yunji Choi, ay nasakote sa buy-bust operation ng PDEA sa Quezon City noong May 3, 2011.