Misis sinaksak, mister nagsaksak sa sarili

MANILA, Philippines - Agaw-buhay ang isang bagitong pulis at misis nito na matapos na pagsasak­sakin ng una ang asawa bunga ng selos bago nagtangkang mag-suicide sa Barangay Ipil, Bongabong, Oriental Mindoro kamaka­lawa.

Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan sa Bongabong Community Hospital ang mag-asawang P01 Ronel Castillo ng 1st Maneuver Company ng Regional Police Safety Battalion at Jennifer Castillo, 27, guro.

Sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente sa loob ng tahanan ng mag-asawa sa Sitio Asiatic dakong alas-2 ng hapon.

Ayon sa pahayag ng anak ng mag-asawa na si Jenna Kristine  Castillo, bago ang insidente ay narinig niya ang ina na pumapalahaw ng  sigaw sa paghingi ng saklolo sa kanilang lolo.

Bunga nito ay napilitan ang mga kasambahay na buksan ang silid kung saan nagulantang sila nang makitang kapwa duguan ang mag-asawa.

Lumilitaw naman sa inis­yal na imbestigasyon na labis na selos ng pulis sa kaniyang misis kaya humantong sa pananaksak.

Show comments