BULACAN, Philippines – Aabot sa P1 milyong halaga ng tabla at troso na walang kaukulang papeles ang nasabat ng pulisya sa magkahiwalay na PNP checkpoint sa Barangay Calvario sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Pansamantalang pinipigil sa himpilan ng pulisya ang limang trak na may mga plakang CNS 682, TKS 916, CHF 768, RJT 601 at PKY 718.
Inaresto rin ang mga drayber na sina Albert Maglaque, 27, ng San Miguel, Bulacan; Lorenzo Cano, 28, ng Novaliches, Quezon City; Wennie Carillo, 46; Manuel Jose Jr, 45, kapwa nakatira sa Valenzuela City; at si Medina Iluminada, 50, ng Tondo, Maynila.
Sa ulat ng pulisya, ang nakumpiskang 66,529 board feet na tabla at 12 troso ay pag-aari ng mga kompanyang E.V. Galvez Enterprises,Toplite Lumber Corp., Draco Wood Marketing Corp. at Pateco Timber Export Corp.
Sa ulat ni P/Supt. Eric Noble na isinumite kay P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr., nasabat ang mga kargamento sa dalawang checkpoint na pinamumunuan nina P/Insp. Susan Cullamco at P/Senior Insp. Randy Korret.
Dahil sa walang maipakitang transport permit at clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay kaagad na dinala ang limang trak sa impounding area ng pulisya.