Manila, Philippines - Dalawampu’t isa katao kabilang ang 20 guro ang nasugatan makaraang aksidenteng bumaligtad ang sinasakyan ng mga itong pampasaherong jeepney sa kahabaan ng circumferential road sa Baguio City kamakalawa.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang mga gurong sina Carmelita Domagan, 50 anyos; Conception Mangutchay, 58 at Salvador Bacaoco, 33 taong gulang at iba pang mga kasamahan ng mga itong guro gayundin ang driver na si Francisco Baniqued, 52 taong gulang .
Ang mga ito ay isinugod ng nagrespondeng mga rescuer sa Baguio City General Hospital para malapatan ng lunas.
Sa ulat ng Baguio City Police, naganap ang sakuna sa kahabaan ng Suello Wakat, circumferential road, Baguio City.
Kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang Isuzu passenger jeepney (ACM-581) na minamaneho ni Baniqued lulan ang 20 miyembro ng Department of Education (DepEd) mula sa iba’t ibang rehiyon para dumalo sa seminar para sa Special Program & Arts sa Bencab Museum, Asin road ng lungsod nang mangyari ang sakuna. Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng jeepney na nagbunsod sa sakuna.