CAMARINES NORTE, Philippines - Umaabot sa 87 pulitiko sa bansa ang isinasailalim sa surveillance operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isa rito ay mula sa Bicol Region kaugnay ng pagkakasangkot sa illegal na droga.
Ito ang ibinulgar kahapon ng PDEA kaugnay ng isinasagawang 19th National Youth Congress sa Daet, Camarines Norte na ang host ay si Mayor Tito Sarion.
Ayon sa resource speaker na si ret. Brig. Gen. Pedrito Magsino, Acting Director ng Preventive Education and Community Involvement Service, hinikayat nito ang mga kabataang kalahok sa nasabing aktibidad na maging sila ay may obligasyon na tumulong sa pagsugpo ng pagkalat ng droga sa bansa sa pamamagitan ng tamang pagsumbong sa mga awtoridad.
Batay sa pagsisiwalat ni Magsino noong taong 2002 umaabot lamang sa 16 kabataan ang sangkot sa droga subalit mas tumaas nitong taong 2011 na umaabot na sa 81 ang naarestong mga menor- de- edad. Sa kabuuang 42,065 na barangay sa kapuluan, ang sinasabing umaabot na sa 7,882 ang mga barangay na apektado ng droga.
Sa Pilipinas nasa 125 local drug groups ang nag ooperate habang dito sa kabikulan ay nasa 6 na local drug groups.