OLONGAPO CITY, Philippines — Umaabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang nalimas matapos looban ng mga ‘di-kilalang lalaki ang isang departamento ng Olongapo City Hall kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Cesar Cabling, kumander ng Police Community Pricinct 1, inakyat-bahay ang Public Utilities Department sa Olongapo City Hall Building sa Rizal Avenue.
Napag-alamang winasak ang pinagkabitan ng aircon unit kung saan hinalughog ang mga tukador kabilang ang mesa ng manager na si Engr. Luisito Lopez. Nadiskubre ang nakawan matapos pumasok sa opisina ang clerk na si Rodolfo Boncacas kung saan nagkalat ang mga dokumento sa loob at wasak ang mga kandado ng pintuan.
Nabatid din na walang nagbabantay sa bisinidad ng PUD annex, alinsunod na rin sa kagustuhan ni Mayor Bong Gordon na ipaubaya sa pribadong security guard ang pagbabantay kaysa sa mga alagad ng batas.
Base sa tala ng pulisya, nilooban na rin ang nasabing departamento noong Marso 2011.