2 utas sa killer truck

Manila, Philippines - Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang 10 iba pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang cargo truck at traysikel sa highway ng Barangay Pacol sa bayan ng Valladolid, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Valladolid District Hospital sina Romualdo Yanos, 50; at Peter Louis Ferrera, 11.

Ginagamot naman sa ospital ang mga sugatang sina Rodgen, ama ng nasawing bata; Eva Yanos, asawa ni Romualdo; Michelle Yanos, 43; John Archie Yanos, 11; Nicole Yanos, 10; Nash Exequil, 7; Arthur Yanos, Arturo Jr. Yanos, at si Erica Yanos.

Nabatid na ang mga biktima ay pasahero ng trike ni Rodgen Ferrera na galing sa Pulupandan nang makabanggaan ang kasalubong na 10-wheeler truck sa pakurbadang kalsada sa Brgy. Pacol pasado alas-7 ng gabi.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon na masyadong malakas ang ulan sa lugar  ng mangyari ang sakuna.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang dri­ver ng truck na si Joemarie Avila, 19.

Show comments