Manila, Philippines - Tatlo-katao ang iniulat na nasawi makaraang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa nakaparadang cargo truck sa gilid ng national highway sa Barangay Tungkop sa bayan ng Minglanilla, Cebu noong Miyerkules ng madaling-araw.
Kapwa dead-on-the-spot sina Bernard Bacus, 23, ng Lower Tunghaan; Cristylyn Aledon, 25; habang si Aimme Savellita ay idineklarang patay matapos isugod sa South General Hospital sa Naga City.
Samantala, arestado naman ang drayber ng truck na si Jeffy Abadiez, 26, ng Barangay Tungkop.
Ayon kay SPO1 Renato Masangcay, bibili sana ng alak ang tatlo na sinasabing lango na sa alak nang makipagkarera sa isa pang motorsiklo na patungong Cebu City kung saan nawalan ng control ang motorsiklo ng mga biktima kaya sumalpok sa nakaparadang cargo truck na sinasabing walang early warning device.