MANILA, Philippines - Matapos ang sampung araw na pagkakabihag, pina laya na ang dinukot na babaeng negosyanteng Tsinoy sa Barangay Taviran, North Kabuntalan, Maguindanao kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Col. Prudencio Asto, hepe ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division ang pinakawalang bihag na si Angelina Soken Chew Mantique, 47, grocery owner.
Bandang alas-4:30 ng madaling-araw ng abandonahin ng grupo ni Mayangkang Saguile, lider ng Pentagon KFR gang si Mantigue sa Brgy. Datu Madtumeg.
Pinaniniwalaang na-pressure ang mga kidnaper laban sa mga tauhan ng Joint Task Force Kutawato ni P/Director Felicisimo Khu at tropa ng Army’s 6th Infantry Division ni Brig. Gen. Rey Ardo.
Si Mantigue ay dinukot sa harapan ng kanyang tindahan sa Barangay Poblacion Nuro, Upi, Maguindanao noong Mayo 14 kung saan sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng rumespondeng militar at mga kidnaper na ikinasugat ng isang pulis.
Inaalam ng mga awtoridad kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya sa nasabing bihag.