Bus nag-dive: 2 utas, 32 sugatan
SOLANO, Nueva Vizcaya Philippines – Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang 32 iba pa ang nasagutan matapos mahulog ang pampasaherong bus sa malalim na bangin sa bayan ng Nagtipunan, Quirino kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Evangeline Salac, 53; at Jesus Lianian, kapwa residente ng Quezon, Isabela habang sugatan naman sina Jessa Esteban, 8; Jessie Chavez, 8; Zaira Jane Hoggang, 10; Jayson Agsipu, 11; Jessica Agsipu, 13; Rovelyn Salas, 15; Devine Grace dela Peña, 23; at si Vilma Chavez, 63, na pawang mga residente mula sa Isabela, Aurora, Cagayan at Ifugao.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang aksidente matapos mawalan ng control ang Northern Bus Lines (BVN 260) bago tuluyang mahulog sa may 10-metrong lalim na bangin sa Barangay Sangbay.
Ayon kay P/Senior Insp. Andree Camhol, Quirino police information officer, nagmula ang bus sa Aurora patungo sa Santiago City, Isabela nang masiraan ng makina na naging sanhi ng aksidente.
“The bus engine’s propeller got detached while negotiating near a bridge, causing the bus to swerve and hit a road gutter until it eventually fell into the ravine,” pahayag ni Camhol.
Dinala ang mga sugatang biktima sa Maddela District Hospital habang pinaghahanap naman ng pulisya ang driver na si Roberto Baga at conductor na si Ronald Dionicio na kapwa tumakas matapos ang trahedya. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending