Maguindanao massacre suspect, timbog
MANILA, Philippines- Umaabot na sa 90 ang mga nasakoteng suspek sa karumaldumal na Maguindanao massacre matapos na isa pang wanted ang mahulog sa batas sa operasyon sa kahabaan ng Pacharon Boulevard, General Santos City kahapon.
Kinilala ni Special Investigation Task Group Maguindanao Commander P/Chief Supt. Benito Estipona ang nasakoteng suspek na si Kamper Silongan, may reward na P250,000.00.
Bandang alas-2:45 ng hapon ng masakote ng mga operatiba ng pulisya ang suspek sa Queen Tuna Park , Pacharon Boulevard ng lungsod na ito.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jocelyn Solis Reyes ng Branch 221 ng Quezon City Regional Trial Court kaugnay ng madugong massacre sa 57 katao, 32 dito ay mediamen noong Nobyembre 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao.
Sa tala, sa kabuuang 195 akusado sa krimen, 90 na ang nasakote ng mga awtoridad at nasa 105 pa ang pinaghahanap ng batas.
Isinailalim na sa kustodya ng 12th Regional Criminal Investigation and Detection Unit (RCIDU) ang nasakoteng suspek.
- Latest
- Trending