LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napaslang ang isang pulis-Barcelona matapos pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army sa reunion ng hayskul ng una sa Barangay Poblacion sa bayan ng Barcelona, Sorsogon kahapon ng madaling-araw.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Barcelona District Hospital si SPO1 Antonio Furio, 51, may asawa, nakatalaga sa Barcelona PNP station.
Lumilitaw na dumalo si SPO1 Furio sa alumni ng Barcelona National Comprehensive High School kung saan nakipagkuwentuhan sa mga dating kaklase.
Dito na tinyempuhan ng mga rebelde ang biktima kung saan nagpulasan naman ang mga dumalo sa reunion sa takot na madamay.
Nabatid na nakihalubilo ang gunman sa mga bisitang nag-panic na lumabas mula sa loob ng gymnasium.
Ayon pa sa ulat, bago maganap ang pamamaril ay nakakatanggap na ng pagbabanta sa buhay ang biktima subalit binabalewala nito hanggang sa makasalubong si kamatayan.