Buntis, 3-anyos anak minasaker ng biyenan

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na ka­matayan ang sinapit ng mag-iina makaraang pagsasaksakin ng kanyang biye­nang lalaki na sinasa­bing sinapian ng masamang espiritu sa Barangay Tavora East sa bayan ng Pugo, La Union noong Martes.

Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Inspector Jolly Ngayaan, hepe ng Pugo PNP, naganap ang malagim na insidente bandang alas-11:45 ng umaga sa tahanan ng mga biktima.

Kinilala ang mga napaslang na si Gerelyn Aguilar, 26, 7-buwang buntis; anak nitong si Gerryben Carl, 3-anyos.  

Nabatid na si Gerelyn ay nagtamo ng 35-saksak sa katawan, apat na saksak sa sanggol sa sinapupunan ni Gerelyn at siyam namang saksak kay Gerryben Carl habang arestado naman ang suspek na si Carlos Aguilar, 56.

Lumilitaw sa imbestigasyon, kasalukuyang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang silid ang buntis na misis at anak nito nang biglang pasukin ng suspek na may hawak na patalim.

Nanlilisik ang mga mata na tila sinapian ng masamang espiritu ay dinaluhong ng suspek ang nasorpresang manugang at apo.

Nabatid na wala ang mister ni Gerelyn sa kanilang bahay dahil nagtatrabaho ito sa gasolinahan.

Sa pahayag sa mga awtoridad ng bunsong anak ng suspek na hindi natukoy ang pangalan, matinding problema sa pamilya ang motibo ng krimen kung saan ay nawawala sa sari­ling katinuan ang kanilang ama.

Show comments