CAFGU, NPA utas sa shootout
MANILA, Philippines - Dalawa ang patay kabilang ang isang CAFGU at isang miyembro ng NPA matapos makasagupa ng tropa ng pamahalaan ang may 30 miyembro ng komunistang grupo sa bayan ng Maitum, Sarangani kamakalawa.
Kinilala ang nasawing CAFGU na si Joel Jorillo habang inaalam naman ang pagkakakilanlan ng napaslang na rebelde.
Bago ito, nakatanggap ang tropa ng Army’s 73rd Infantry Battalion (IB) ng ulat hinggil sa puwersahang pagre-recruit ng mga rebelde ng mga kabataan sa liblib na lugar sa Barangay Tuanadatu, Maitum.
Bandang alas-8:53 ng umaga ng magresponde ang isang Scout Platoon ng mga sundalo at CAFGU sa lugar na nagresulta sa palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Tumagal ang palitan ng putok ng ilang minuto na ikinasawi ng tig-isa sa mga ito kung saan mabilis na nagsitakas ang mga rebelde.
Narekober rin sa lugar ang mga subersibong dokumento na naiwan ng mga rebelde na patuloy na tinutugis ng tropa ng pamahalaan.
- Latest
- Trending