MANILA, Philippines - Dalawang mister at isang ginang ang iniulat na nagpakamatay dahil sa ibat ibang dahilan sa magkakahiwalay na lugar sa Cebu City at sa Legazpi City.
Sa Cebu, iniulat na isang 56-anyos na lalaki ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng comfort room ng isang nakadaong na barko sa Pier 5, Brgy. Mabolo dito, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Ricardo Asucan, karpintero sa DU-EK Sam Enterprises na nakabase sa Occidental Mindoro at tubong Dagohoy, Bohol.
Sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, dakong alas-8:30 ng umaga ng madiskubre ang pagpapatiwakal ng biktima sa loob ng comfort room ng MV Asia Philippines.
Sa salaysay sa mga awtoridad ng utility man ng barko na si Rollen Yocte, nagtungo siya sa comfort room para maglinis ng magulantang sa nakabigting lalaki sa loob nito.
Ang biktima ay nakaluhod pa sa loob ng comfort room na nakabigti ang leeg ng puting t-shirt na nakatali sa tubo ng tubig. Wala namang indikasyon na nakita ang mga imbestigador na may naganap na foul play sa kasong ito.
Pinaniniwalaan namang matinding problema ang nagtulak sa biktima para kitlin ang kaniyang buhay habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
Samantala sa Legazpi City, isang Amerikano na may malalang karamdaman ang iniulat na nagbigti rin sa loob ng kanyang kuwarto sa Barangay Sta. Elena, Baras, Nabua, Camarines Sur.
Nakilala ang biktima na si Michael Smith, 59.
Batay sa ulat ng pulisya ang biktima ay natagpuan ng kanyang anak na nakabigti sa loob ng kuwarto dakong alas-9:50 ng umaga.
Nabatid na ang biktima ay may malalang karamdaman na kung saan ito ang tinatayang dahilan upang ito ay magpakamatay na lamang.
Isa pang suicide, dahil naman sa matinding kahirapan kung kaya nagpakamatay sa loob ng kanilang inuupahan na bahay sa Baranggy Poblacion sa Islang bayan ng Rapu- Rapu, Albay ang isa namang misis.
Nakilala ito na si Gemma Bustamante, 32, ng naturang lugar.
Dakong alas-5:30 ng hapon ng ito ay matagpuan ng kanyang mister na si Rolando na nakabitin sa loob ng kanilang inuupahan na bahay.
Sa kasalukuyan masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito.