ZAMBALES, Philippines — Ipinag-utos ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang pagpapagawa ng Maculcol mega-dike sa bayan ng San Narciso upang maiwasan ang pagbaha sa mabababang lugar kaugnay sa nalalapit na tag-ulan.
Ang kautusan ay ginawa ni Ebdane makaraang mag-inspeksyon sa nabanggit na dike kasama sina public works district officer Hercules Manglicmot at provincial engineer Neil Farala.
Tinatayang aabot sa P5 milyong pondo ang nakalaan sa nasabing proyekto kung saan dadagdagan pa ng dalawang metrong taas ang dike.
Magiging kaiba rin ang rehabilitasyon ng dike sa Zambales kung saan gagamit ng Ebdane Technology na modular wire mesh enclosures na kakargahan ng mga boulders at sandbags na pinaghalong buhangin at semento.
“Ang filling material na ito ay magiging solido tulad sa bato at mas medaling ilagay,” paliwanag ni Ebdane.
Ayon naman kay Farala, sakop sa proyektong dike rehabilitation ang may isang kilometro mula sa mga barangay ng Consuelo Sur sa San Marcelino hanggang Namatacan sa bayan ng San Narciso na tatapusin sa lalong madaling panahon.
“Kailangan masiguro ang kaligtasan ng aking mga kababayan. Gastusan man ng milyones ang proyekto, mas mahalaga rito ang mga buhay at ito ay walang katapat na halaga,” pahayag pa ni Ebdane.