Minahan ni-raid ng NPA: Sekyu itinumba, 5 dinisarmahan
Manila, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang security guard sa mining company matapos na pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army habang limang iba pa ang dinisarmahan kabilang ang dalawang hinostage sa magkahiwalay na insidente sa Compostela Valley at Davao del Norte kamakalawa.
Sa police report, bandang alas-7 ng umaga nang salakayin ng grupo ni Kumander Eduardo Genesis alyas Ka Lando ang Russel Mining Company sa Brgy. Kingking, Pantukan, Compostela Valley.
Gayon pa man, pumalag ang guwardiyang si Casiano Tumaob kaya binaril at napatay ng mga rebelde.
Ayon pa sa ulat, dinisarmahan ng mga rebelde ang tatlo pang guwardiya na sina Loren Caro, Reni Bariwan at Nes Tolagan na pawang kawani ng Durano Security Agency kung saan natangay ang apat na M16 Rock River rifles at tatlong V87 ICOM handheld radios.
Samantala, sinalakay din ng NPA Pulang Bagani Command ni Ryan Pitao alyas Ka Ryan ang Tagum Development Cooperative (TADECO) sa Barangay Tibulao, sa bayan ng Carmen, Davao del Norte.
Hinostage ng mga rebelde ang mga guwardiyang sina Arnel Tuvila at Allan Gutierrez kung saan ginawang human shield para madisarmahan ang mga kasamahang bantay sa kooperatiba.
Kabilang sa natangay ng mga rebelde ay ang dalawang shotgun, M16 Elisco Armalite rifle at motorola handheld radio.
- Latest
- Trending