8 HMB robbery/holdup member, patay
MANILA, Philippines - Walong miyembro ng Hukbong Mapagpalayang Bayan (HMB), ang breakaway group ng New People’s Army (NPA) na ngayo’y sangkot na sa serye ng robbery/holdup ang napatay sa ‘Friday the 13th shootout' nang maharang sa checkpoint ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa NIA road, Poblacion West, Rizal, Nueva Ecija kahapon.
Sa phone interview, sinabi ni Col. Felicisito Virgilio Trinidad, Commander ng Army’s 702nd Infantry Brigade, bandang alas-7:30 ng umaga ng sagupain ng composite forces ng 72ndDivision Reconnaissance Company, 48th at 8th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Kurt Decapia at Provincial Public Safety Company ng Nueva Ecija Police ang grupo ng mga suspek.
Kinilala ng opisyal ang tatlo sa mga napatay sa mga alyas lamang ng mga itong Caesar, Jerry at Ricky habang ang lima pa ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Bago ito ay nakatanggap ng intelligence report ang security forces hinggil sa planong paglulunsad ng robbery/holdup ng grupo sa payroll ng isang business firm sa lalawigan ng Aurora sa kahabaan ng San Jose City, Nueva Ecija at Aurora provincial road.
Agad na pumoste ang mga awtoridad na nagsagawa ng checkpoint hanggang sa maharang ang kulay asul na Toyota Corolla (UGN 659) at kulay abong Mitsubishi Lancer (TNN 899) na nagbunsod sa bakbakan.
Tumagal ang bakbakan ng ilang minuto na nagresulta sa pagkasawi ng naturang HMB members na natukoy na nakabase sa Bulacan at Pampanga na dumarayo lamang sa mga karatig lalawigan para sa kanilang illegal na aktibidades.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang limang cal. 38 revolver, isang cal 9 MM at dalawang fragmentation grenade at masuwerte namang walang nasugatan sa security forces sa nasabing operasyon.
- Latest
- Trending