Pelayo tatakbo sa Kongreso

CANDABA, Pampanga, Philippines — Nakahanda si 3-term Mayor Jerry Pelayo na tumakbo bilang kongresista sa ika-4 na distrito ng Pampanga sa darating na 2013 elections.

Sinabi ni Mayor Pelayo, hinimok siya ng mga leaders mula sa ika-4 na distrito ng Pampanga na tumakbo bilang kongresista upang kanilang maging boses sa Kongreso.

Wika pa ni Pelayo, hindi niya puwedeng tanggihan ang panawagan ng kanyang mga supporter hindi lamang sa bayang ito kundi maging sa ibang bayan na sakop ng 4th District ng Pampanga.

Idinagdag pa ng ka­sa­lukuyang pangulo ng Pampanga Mayor’s League, sisiguruhin niyang makapagpatupad ng mga programang akma para sa residente ng 4th District particular sa sector ng mga magsasaka at mangi­ngisda.

Aniya, magsusulong din siya ng mga panukala na mag-aangat sa sector ng agrikultura sa Kongreso upang lalong mapalago ang kanilang ani sa pama­magitan ng mga modernong teknolohiya at mga kagamitan sa bukid.

 Ang posibleng makakaharap ni Pelayo sa congressional race sa 4th District ay ang nakakabatang kapatid ni Rep. Ana York Bondoc na si dating 4th Dist. Rep. Rimpy Bondoc ng Naciona­lista Party at Board Member Ric Yabut.

Show comments