500 apektado sa pananalasa ng buhawi
BULACAN , Philippines — Umaabot sa 500-katao ang naapektuhan matapos na manalasa ang buhawi sa ilang barangay sa bayan ng Calumpit, Bulacan noong Sabado ng gabi.
Sa ulat ng National Disaster Risk and Reduction Center, bandang alas-6 ng gabi nang manalasa ang buhawi sa mga Barangay Frances, San Miguel, Sapang Bayan, Poblacion, Meysulao, Corazon, Gatbuca at sa Barangay Balungao.
Ayon sa pahayag ng mga residente, nakarinig sila ng malakas na ugong at ihip ng hangin kung saan sunud-sunod na nawasak ang may 41 kabahayan.
Tumagal ng may 30-minuto ang pananalasa ng buhawi kung saan wala namang naiulat na nasugatan at nasawi subalit iniimbestigahan kung may kinalaman ang pagkamatay ni Alberto Tolentino na inatake sa puso sa paghagupit ng buhawi.
Kasalukuyan ng kinukupkop sa Calumpit Sports Complex ang mga apektadong residente na binigyan na ng relief goods ng lokal na pamahalaan.
Magugunita na noong 2007 at 2008 ay magkakasunod na hinagupit ng buhawi ang Bulacan.
- Latest
- Trending