QUEZON, Philippines — Hanggang sa mga social network sites tulad ng Facebook at Twitter ay lantaran na ang mga problemang kinakaharap ngayon sa bayan ng Lucban.
Noong nakalipas na taon ay binigyang-diin nina Konsehal Oliver Dator at Konsehal Ayelah Deveza ang lumalalang kriminalidad sa bayan ng Lucban na kahit anila sa Facebook ay may panawagan ang ilang Lucbanin na ibalik sa dating ‘zero crime’ status ang bayang nabanggit.
Sa pribelihiyong talumpati ni Councilor Dator noong 2010, iba’t ibang krimen ang naitala mula Hulyo hanggang Nobyembre 2010, kung saan karamihan ay nakawan, patayan at may kaugnayan sa bawal na droga.
Isa sa brutal ay ang pagpatay sa apo ng alkalde ng Dolores na si Nicolas Alilio at isang Nursing student sa Southern Luzon State University.
Si Alilio ay sinaksak noong Nov. 6, 2010 ng gabi pagkatapos maihatid ang kasintahan nito sa Countryside Subd. sa bayan ng Lucban.
Dito’y lumiham pa si Dr. Cecilia Gascon, president ng SLSU sa hepe ng pulisya upang aksyunan ang lumalalang karahasan.
“Growing criminality which, unfortunately make our students the helpless targets of such violent acts,” pahayag ni Dr. Gascon.
Mismong si Councilor Deveza, ang nagpahayag na tinangka ring pasukin ang kanyang tahanan ng grupo ng Akyat-Bahay Gang subalit nasilat matapos siyang dumating ng maaga mula sa Lucena City.
Sa record ng Quezon PNP, nakapagtala ang bayan ng Lucban sa unang quarter ng 2011 ng isang kaso ng murder; tatlong kaso ng robbery at walong kaso ng nakawan.
Kaya binigyan ng pansin ni Coun. Dator sa pagpupulong bilang siya ang tagapangulo sa Lupon Ng Katahimikan at Kaayusan.
‘Di nag-aksaya ng panahon ang konsehal at lumiham sa provincial police director na si P/Senior Supt. Atty. Velasquez upang ma-review ang Kapasiyahan Blg. 41 – na sinasaad na manatili si P/Senior Insp. Francis Pasno bilang permanenteng hepe ng pulisya sa bayan ng Lucban.