LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Tatlo-katao ang iniulat na nasawi sa naganap na landslide sa Sitio Ikogan sa Barangay Luluasan sa bayan ng Balatan, Camarines Sur habang umaabot naman sa 19, 079 residente ang inilikas dahil sa banta ng tubig-baha sa iba’t ibang barangay sa Albay matapos na sumailalim sa Signal no. 2 sa bagyong Bebeng.
Kinilala ang mga nasawi na sina Maribel Ruelan, 19, Princess Ruelan, 8; at Marco Sanchez, 7.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, umaabot na sa 2,403 katao ang inilikas mula Barangay Tula-Tual at Maoyod sa Legazpi City.
May 1,818 residente naman mula sa mga Barangay Nagotgot at Malobago sa bayan ang Manito habang sa bayan ng Bacacay ay umaabot na sa 16,427 katao ang inilikas mula sa mga barangay ng Mataas, Mapulang Daga at Cagraray Island.
Samantala, apektado rin ng tubig-baha ang mga Barangay Sta. Cruz, San Agustin, East at West Carisac, Bacolod, Burabod, San Vicente, San Isidro, Linao, Bulusan, Bombon, Lagpo, Boga, at Barangay Alungon, Zone 4, Zone 7, Zone 5 at sa Zone 1 sa bayan ng Libon, Albay.
Umaabot naman sa 1,400 pasahero, at mga sasakyan ang stranded sa mga pantalan, matapos hindi payagan ng Phil. Coast Guard na makapaglayag ang barko dahil na rin sa malakas na hangin at malalaking alon sa karagatan.