4 army sugatan sa landmine blast
Legazpi City, Albay, Philippines – Apat na sundalo ang nasugatan makaraang sumabog ang patibong na landmine ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang dumaraan ang military truck sa kahabaan ng highway ng Espinosa, Milagros, Masbate kahapon ng umaga.
Kinilala ni Major Angelo Guzman, Spokesman ng Army’s 9th Infantry Division (ID) ang mga nasugatang biktima na sina Pfc Joseph Penarada, Pfc Glenn Manio, Pvt Erick Dumalagan at Pvt Kent Toledo; pawang nilalapatan na ng lunas sa Aroroy Hospital.
Bandang alas-6:30 ng umaga habang bumabagtas ang military truck ng tropa ng pamahalaan sa lugar ng sumabog ang landmine at bunsod nito ay nagkaroon ng palitan ng putok sa magkabilang panig hanggang sa umatras ang mga rebelde.
Sinabi ni Lt. Col. Julian Pacatan, Commanding Officer ng Army’s 9th Infantry Battalion na ang nasabing pag-atake ng komunistang grupo ay resbak ng mga ito sa tinamong sunud-sunod na pagkagapi sa operasyon ng militar.
- Latest
- Trending