Manila, Philippines - Bumuo na kahapon ang Special Investigating Task Group (SITG) para busisiin ang kaso ng pamamaril at pagkakapatay kay Calbayog City Mayor Reynaldo Uy sa bayan ng Hinabangan, Samar noong Sabado ng gabi.
Ayon kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo, nagsagawa na ng reenactment ang mga tauhan ni PRO 8 Director P/Chief Supt. Arnold Revilla sa Hinabangan covered court kung saan naganap ang krimen.
Kabilang sa iniimbestigahan ay ang alitan sa pulitika kung saan may posibilidad na may kinalaman ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa pagkakapatay kay Mayor Uy.
Nakatuon ang pansin ng mga tauhan ng SITG sa pangangalap ng ebidensya at mga testigo upang makakuha ng lead sa naganap na krimen.
Magugunita na si Calbayog City Mayor Uy ay naimbitahang guest of honor sa piyesta ng bayan ng Hinabangan nang barilin sa tiyan ng gunmen noong Sabado ng gabi habang nasugatan naman sa kanang balikat si Bokal Eunice Babalcon ng 2nd District na sinasabing katabi ng upuan ng alkalde.
Kasunod nito nagsagawa na ng parallel investigation ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa pangunguna ng BI- agent-in charge sa Catbalogan City para sa hiwalay na imbestigasyon at nakikipag-ugnayan din sa isinasagawang imbestigasyon ng PNP sa crime scene.
Magugunita na si Mayor Uy ay nagdeklarang lalahok sa guvernatorial race sakaling aprobahan ng Comelec ang recall election sa nasabing lalawigan.