MANILA, Philippines - Isa pang bangkay ng nawawalang piloto sa bumagsak na trainer jet kamakalawa ng Philippine Air Force (PAF) ang natagpuan habang lumulutang sa karagatan ng Bagac, Bataan kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni PAF Spokesman Lt. Col. Miguel Ernesto Okol ang pagkakatagpo sa nagutay ring labi ng nasawing si Capt. Raymond de Leon na narekober dakong alas-6:20 ng umaga ng search and rescue team ng Philippine Coast Guard.
Ang bangkay ng biktima ay dadalhin sa bayan nito sa Balanga, Bataan.
Una rito, narekober ang nagkalasug-lasog na kata wan ng instructor pilot na si Major Ephraim Suyom, Class Valedictorian ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1997, ilang metro sa crash site sa karagatan ng Stella Maris Beach Resort sa Sitio Look, Brgy. Banawang sa bayan ng Bagac.
Ang Sikorsky S-211 trainer jet na pinalilipad nina Suyom at de Leon ay bumagsak sa naturang lugar dakong alas-3 ng hapon nitong Biyernes.
Kaugnay nito, ipinag-utos naman ni PAF Chief Lt. Gen. Oscar Rabena ang ‘grounding’ ng dalawa pang Sikorsky trainer jet.