MANILA, Philippines - Limang rebeldeng New People’s Army at isang sundalo ng Phil .Army ang iniulat na napatay habang lima pang rebelde ang nasugatan makaraang makasagupa ng militar ang grupo ng mga rebelde kahapon ng umaga sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa phone interview, sinabi ni Army’s 56th Infantry Battalion Commander Col. Hilario Vicente Lagnada, naganap ang bakbakan bandang alas-5:30 ng umaga sa liblib na bahagi ng Purok 5, Paradise 3 sa Brgy. Kaybanban malapit sa hangganan ng Montalban, Rizal.
Nabatid na nagsasagawa ng security patrol ang pinagsanib na elemento ng Bravo Company ng 56th IB, 4th Maneuver Platoon ng Provincial Public Safety Company at ng Bulacan Provincial Police Office sa pamumuno ni P/Insp. Agustin Joseph nang makasagupa ang grupo ng mga rebelde nag-ooperate sa hangganan ng Bulacan at Rizal.
Agad na sumiklab ang putukan sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng may 30-minuto kung saan napatay ang isang Army Corporal na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang mga duguang backpacks, rifle grenades, cellphones at mga subersibong dokumento.