Babae tinodas ng ex-lover

MANILA, Philippines - Napaslang ang isang 29-anyos na babae matapos pasukin at pagsasaksakin ng kanyang ex-lover sa loob ng inuupahang kuwarto sa Sitio Kalubihan, Barangay San Nicolas, Cebu City, Cebu noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Jocelyn Anora habang sumuko naman kay SPO4 Felipe Sosmena ang suspek na si Henry Cabalda, 51, biyudo, ng M. Concepcion sa Barangay Pasil, Cebu City.

Base sa police report, kasalukuyang nasa ikatlong palapag sina Carlo Magno Magsipoc, 24; Neil Toledo, 36; at Teresita Rostauro, 26, nang sumigaw si Anora at humingi ng saklolo.

Kaagad naman bumaba sa unang palapag ang tatlong boarder para saklolohan ang babae. Subalit nasorpresa sila nang bumungad ang duguang katawan ni Anora na may saksak sa kanang kilikili.

Namataan naman ng tatlo ang suspek na naglakad palayo sa crime scene hawak pa ang duguang patalim.

Naisugod naman sa Cebu City Medical Center si  Anora subalit idineklarang patay.

Ayon kay SPO4 Alex Dacua ng Homicide Division ng CCPD, malimit na bumisita ang suspek sa inuupang kuwarto ng biktima. Ayon pa sa ulat, naganap ang krimen habang wala ang live-in partner ng biktima.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon na love triangle ang isa sa motibo sa pamamaslang.

Show comments