Trahedya sa Semana Santa: 6 nalunod
BATANGAS, Philippines – Anim-katao ang iniulat na nasawi matapos malunod sa magkakahiwalay na insidente noong Semana Santa sa Batangas, Oriental Mindoro at Quezon.
Kinilala ni P/Supt. Christopher Abecia, hepe ng Calapan City PNP ang tatlong nalunod na sina Efren Dimaano, 43, anak na si Abegail,13 at Jemelyn Zoleta,14, pawang mga residente ng Barangay Sta. Cruz, Calapan City, Oriental Mindoro.
Nalunod ang tatlo habang lumalangoy sa Bucayao River noong Huwebes Santo nang tangayin ng rumaragasang daloy ng tubig kung saan napadpad sa malalim na bahagi ng ilog.
Narekober ng rescue team ang mga bangkay noong umaga ng Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
Samantala, nalunod din sina Nijel Caaliwara, 14; at Jake Dino, 16, kapwa high school students at residente ng Brgy. San Simon, Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay P/Supt. Arcadio Ronquillo, nagkakasayahan ang mga biktima sa Villanueva Beach Resort sa Sitio Parola, Barangay Bagong Silang, Calatagan, Batangas noong Huwebes Santo nang nakasalubong si kamatayan.
Kasunod nito, nauwi sa trahedya ang masayang picnic ng grupo ng mga bakasyunista mula sa Maynila matapos malunod ang isa sa kanilang kasamahan sa Tayabas Bay sa Sitio Kaingin, Barangay Bignay 2, sa bayan ng Sariaya, Quezon kamakalawa ng umaga. Ayon kay PO2 Alnor Tagara, hindi na umabot ng buhay sa Greg Hospital si Leo Dayandante, 19, ng Barangay Alabang, Muntinlupa City. Arnell Ozaeta at Tony Sandoval
- Latest
- Trending