5 dedo sa pamamaril sa Batangas

BATANGAS, Philippines – Lima-katao ang iniulat na nasawi sa naganap magkakahiwalay na pamamaril noong Semana Santa sa Batangas.

Sa ulat na nakarating sa Batangas Provincial Police Office, naganap ang karahasang sa Lipa City, Sto. Tomas, Calatagan, Padre Garcia at bayan ng Malvar mula noong Huwebes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.

Sa Lipa City, binaril sa ulo at namatay si Simplicio “Totoy” Urbana, 38, ng Golden Homes Subd. sa Barangay Sabang.

Kumakain ng halo-halo si Urbana nang lapitan at ratratin ng 'di-pa kilalang lalaki sa Purok 5, Brgy. Bulacnin noong Huwebes ng hapon.

Sa Sto Tomas, bandang alas-3 ng madaling-araw ng Biyernes Santo nang barilin naman si Edwin Villegas, 24, sa bisinidad ng Brgy. San Pedro, Sto. Tomas, Batangas.

Samantala, sa bayan ng Calatagan, napaslang naman si Dennis Ramos, 30, ng Barangay Tanagan matapos barilin ng mga suspek na sina Wilson Cab­rera at Louie Enriquez na kapwa residente ng Brgy. Hukay, Calatagan. 

Namimili ng mangga si Ramos sa Simuanco Fruit Stand sa Sto. Domingo Street sa Brgy. Poblacion 2 nang lapitan at barilin ng isa sa mga suspek noong Sabado de Gloria ng hapon.

Sa bayan ng Padre Garcia, naganap naman ang karahasan sa harap ng M. Lhuiller Panwshop sa JP Rizal Street noong Sabado rin ng hapon kung saan binaril at napatay si Noelito Castillo, 46, ng Brgy. Tangob, ng suspek na si Alvin Mugundayao.

Sa bayan naman ng Malvar, napaslang naman ang isang 41-anyos na si Raul Sayas ng Barangay San Pe­dro 1 matapos barilin ni Ferdinand Malabanan na nasakote naman ng pulisya kahapon ng umaga.

Show comments